Friday, July 24, 2009

FLO's flaws. haha. :)

Sa loob ng isang dekada, patuloy na ipinaglalaban ng Bukluran ang mga repormang nagsusulong ng kagalingan ng mga estudyante sa ating Pamantasan. Pinatutunayan lamang nito na ang Bukluran ay isang organisasyon na binubuo ng mga estudyante para sa mga kapwa nito estudyante. Kaya naman ang pagkakasangkot ng Bukluran sa proyektong “Freshmen League of Officers” ng kasalukuyang Supreme Student Council ay marapat lamang na mabigyan ng linaw. Nais po naming sabihin na ang liderato ng Bukluran, sampu ng aming mga miyembro, ay HINDI TUMUTUTOL SA MGA PROYEKTO AT PROGRAMA NA NAGLALAYONG PAUNLARIN ANG KAGALINGAN NG MGA ESTUDYANTE. SUBALIT ANG MGA PROYEKTO’T PROGRAMA NA HINDI DUMAAN SA TAMANG PROSESO AY DAPAT LAMANG NATING KONDENAHIN, isang halimbawa na ang Freshmen League of Officers (FLO). Malaya ang ating SSC na maglunsad ng mga programa o proyekto na makatutulong o makabubuti sa estudyante. Ngunit paano natin tatanggkalikin ang mga ito kung hindi naman ito dumaan sa tamang tao at proseso.

Sa pagkakataguyod ng FLO, may mga ilang punto na tila hindi nakita o kung nakita man, ay naisantabi. Ano nga ba ang naging basehan sa pagtataguyod ng proyektong ito? Paano nga ba nasabing na walang pagkakaisa ang ating mga freshmen? Alam nating lahat na hindi tulad ng mga nagdaang taon, ang mga freshmen ay mayroon nang sari-sariling kolehiyong kinabibilangan. Ang bawat kolehiyo sa loob ng ating Pamantasan ay mayroong mga dekana, college student councils at iba’t ibang societies na may layuning paunlarin ang kagalingan ng kanilang mga estudyante. Bukod pa rito ay mayroong iba’t ibang organisasyon sa labas ng kanilang kolehiyo na naglalayong paunlarin ang kanilang mga sarili sa iba’t ibang aspeto tulad ng musika at sayaw, paglikha, sining at maging sa pamumuno. Isa pa sa mga punto na nais naming bigyang-pansin ay kung bakit pawang mga presidente ng mga pangkat ng mga magaaral sa unang taon lamang ang naimbitahan sa mga pulong. Naihalal ang mga opisyal ng FLO at bawat pagpupulong nila ay MAHIGPIT NA IPINAGBABAWAL ANG PAGDALO NG IBA PANG ESTUDYANTE BUKOD SA MGA PRESIDENTE NG BAWAT PANGKAT. Paano natin mapapalakas ang LAHAT NG ESTUDYANTE sa ganitong pamamaraan?

Isa sa mga mahahalagang katanungan ay kung saan manggagaling ang pondo ng FLO. Nakasaad sa “rationale” ng nasabing proyekto na ang pondo ay magmumula sa “SSC subsidies, solicitations, at fund-raising activities”. Ngunit naisaad sa isa sa mga pagpupulong ng SSC na hindi sa kanila manggagaling ang pondo. Ano nga ba ang totoo? Ang fund-raising activity ay nangangahulugan na sa estudyante rin manggagaling ang pondong gagamitin. Bukod sa mga bayarin natin tulad ng SSC fee, College fee, Society fee ay dadagdag pa itong sa FLO! Naisaad din sa “rationale” na ang FLO ay “autonomous” o nakahiwalay mula sa SSC at sa mga College Student Councils. Ito ay lilikha ng kalituhan sa mga estudyante sa kung sino ang kanilang susundin- ang FLO ba o ang konseho ng kanilang kolehiyo? Hindi rin ito makakatulong dahil magkakaroon ng pagitan ang mga freshmen at mga estudyante sa mas mataas na antas.

Ang huling dahilan kung bakit natin kinokondena ang FLO ay ang paglabag nila sa Konstitusyon ng Kataas-taasang Konseho ng Mag-aaral at ang pagsasantabi sa mga Dekano ng mga kolehiyo. Tila hindi binigyang halaga ng SSC ang basbas ng mga Dekano nang maitatag ang FLO at binaliwala ang saklaw ng pamumuno ng mga konseho ng bawat kolehiyo (college student councils) dahil sa hindi nito pagsasabi sa kanila ng lahat ng nangyayari at napaguusapan ukol sa FLO. Isinantabi rin ng SSC ang kapangyarihan at karapatan ng mga kinatawan ng kolehiyo (college representatives) sa hindi pagiimbita sa kanila sa mga pulong na may kinalaman sa kolehiyo. Ang dalawang nabanggit ay malinaw na paglabag sa konstitusyon ng kataas-taasang konseho ng mag-aaral. Ang ginawang proseso ng pagkakatatag ng FLO ay isang malinaw na pag “by-pass” sa kapangyarihan at karapatan ng mga dekano at konseho ng bawat kolehiyo.

Ang mga pagkondena ng BUKLURAN sa isyung ito ay hindi nangangahulugang tutol ito sa mga programa at proyekto na magsusulong ng ikauunlad ng mga estudyante. Ang gustong bigyang pansin ng Bukluran ay ang mga iregularidad na nangyari sa proseso ng pagkakatatag ng FLO at ang mga seryosong implikasyon nito sa ating mga kolehiyo lalong-lalo na sa ating mga estudyante.

Patuloy na ipaglalaban ng BUKLURAN ang mga karapatan ng mga estudyante ng Pamantasan at patuloy kaming MAG-IINGAY AT KIKILOS hangga’t may mga karapatang natatapakan dahil TAYO AY MGA ESTUDYANTE AT HINDI ESTUDYANTE LAMANG!

Padayon!

No comments:

Post a Comment